Parica iniluklok sa BCA Hall of Fame

MANILA, Philippines - Naisama na si Jose “Amang” Parica sa mga mahuhusay na billiard player sa mundo sa talaan ng Billiards Congress of America Hall of Fame.

Kinatigan ng US Billiard Media Association ang rekomendasyon ng Vete­rans Committee na isama ang 65-anyos na si Parica.

Si Mika Immonen ng Finland ang isa pang pool player na maidadagdag sa talaan at sila ay pormal na i-induct sa Oktubre17 sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake, Virginia, USA.

Bago ipasok ang manlalarong kilala sa taguri na “Amang”, dalawa pa lamang ang mga Pinoy pool players na nasa talaan na ngayon ay bumibilang na sa 64 katao.

Si Efren “Bata” Reyes ang unang inilagay galing sa bansa noong 2003 at sampung taon matapos ito ay ipinasok si Francis­co “Django” Bustamante (2010).

Ang Veterans Committee ay nagrerekomenda ng mga bilyarista na edad 60-anyos na at hindi pa nasasama sa Hall of Fame kahit tiningala ito noong kanyang kabataan.

Si Parica ang siyang kauna-unahang Filipino pool players na tumapak sa US at dinomina ang ilang mga kompetisyong sinalihan.

“”It’s been a  long time to wait,” wika ni Parica sa panayam na lumabas sa AZBilliards.com.

“I didn’t think the people from the BCA knew who I was. I was always asked about my record. But it’s a great honor. I’m very happy,” dagdag pa ni Parica.

Noong 1986 naitatak ni Parica ang kanyang galing sa US nang manalo sa World Open 9-Ball Child Cypress sa Lexington bago isinunod ang World Classic Cup sa Illinois.

Naging Player of the Year din si Parica no­ong 1997 o matapos ang apat na taong pamamahinga nang siya ay nag-asawa.

Hinawakan din ni Parica ang rekognisyon bilang natatanging manlalaro na nagtala ng 11 sunod na run-out panalo sa 9-ball sa race-to-11 format.

Show comments