MANILA, Philippines - Balak ngayon ng host Jose Rizal University Heavy Bombers ang solohin ang ikatlong puwesto, habang ang putulin ang apat na sunod na kabiguan ang nais ng San Sebastian Stags sa 90th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
May 5-3 kartada ang Heavy Bombers na haharapin ang nangungulelat na Mapua Cardinals sa larong magsisimula matapos ang tagisan ng Stags at Emilio Aguinaldo College Generals sa ganap na alas-2 ng hapon.
Kasalo ng tropa ni coach Vergel Meneses ang Perpetual Help Altas at mayroon din silang tatlong dikit na panalo.
Nangunguna pa rin ang San Beda Red Lions sa 7-1 panalo-talo baraha kasunod ang Arellano Chiefs (7-2).
May 1-7 record ang Cardinals ngunit tiyak na nais nilang tapusin ang di magandang kampanya sa unang ikutan sa pamamagitan ng panalo.
Nasayang ang 3-1 panimula ng Stags nang matalo sa sumunod na apat na laro at malagay sa ika-pitong puwesto (3-5).
Isang laro lamang ang kanilang agwat sa Generals (2-6) na sa huling laro ay kinapos ang pagbangon mula sa double-digit lead ng Bombers tungo sa 79-81 pagkatalo.