Kahit nabigo sa qualifying Mark para sa ASIAD Sponsor tuloy ang suporta kay Torres
MANILA, Philippines - Walang epekto para sa tumutulong kay Marestella Torres ang kabiguan niyang maabot ang Asian Games qualifying standard para madiskaril ang plano para makalaro siya sa 2016 Olympics sa Brazil.
Umasa si James Lafferty na makakaya ng 33-anyos na si Torres ang maabot ang 6.37m criteria sa performance trial noong Sabado ng umaga sa Philsports Oval dahil nakita niya kung paano naghirap ang SEA Games record holder ng event na maibalik ang dating kondisyon.
Si Torres, na nanganak noong Enero sa unang supling niya at asawang si Eleazer Sunang, ay may 6.17m best leap lamang.
“I have hopes because I’ve seen her jump in practice. But the issue is consistency in her approach. She didn’t jump for a year and when you don’t jump for a year, you lose your coordination and timing. But she’s going to get all these back, she’s a true champion,” pahayag ni Lafferty na personal ding sinaksihan na tumalon si Torres.
Sinasagot ang gastusin ni Torres sa pagsasanay, kumbinsido pa rin si Lafferty na maihahanda ng 2009 Asian Championship gold medalist ang sarili para sa 2016 Olympics.
Si Lafferty, ang General Manager ng British American Tobacco, ang nangunguna sa programang ‘Adopt An Olympian’ katuwang ang PATAFA at si Torres at si Jesson Ramil Cid ang mga unang dalawang track and field athletes na nasa programa.
“I know she’s disappointed, she wants to go to the Asian Games. But for me, she’s still way ahead of my expectation,” dagdag ng opisyal.
Sa 2015 ang pinakamalaking paghahanda ni Torres para sa Olympics.
Kung mapapagtagumpayan ang adhikain, ang 2016 Games ang ikatlong sunod na Olympics ni Torres matapos sumali sa 2008 Beijing at 2012 London Games.
Ilan sa mga atleta ng bansa na nakagawa nito ay ang trackster Simeon Toribio (1928 Amsterdam, 1932 Los Angeles at 1936 Berlin) at boxer Romeo Brin (1996 Atlanta, 2000 Sydney at 2004 Athens).
- Latest