MANILA, Philippines - Nagtala ng mga panalo sina GM Eugene Torre at ang batang si Paulo Bersamina para tulungan ang Pilipinas sa 2.5-1.5 panalo sa Finland sa 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway noong Martes ng gabi.
Ang 16-anyos na si Bersamina ang siyang naghatid ng unang puntos sa Pambansang koponan sa 45-move panalo kay IM Vilka Sipila sa board four habang ang 62-anyos na si Torre ay gumamit ng bihirang makita na Larsen Opening para magwagi kay IM Mikael Agopoy matapos ang 30-moves sa board three.
Tumabla si GM John Paul Gomez kay IM Mika Karttun sa Board two habang minalas ang Board one player na si GM Julio Catalino Sadorra kay GM Tomi Nyback matapos ang 28-moves ng Slav Defense.
Ito ang ikalimang puntos ng Pilipinas para sumalo sa 19-koponan sa 23rd puwesto. Sunod nilang kalaban ang Chile hanap ang panalo upang umangat pa sa standings.
Yumuko naman ang women’s team sa No.11 Spain, 0-4, para bumaba mula sa pakikisalo sa 15th tungo sa 30th place bitbit ang limang match points
Natalo si Janelle Mae Frayna kay IM Olga Alexandrova, si Jan Jodilyn Fronda ay yumuko kay Ana Matnadze, si Chardine Camacho ay lumuhod kay IM Sabrian Vega Gutierrez habang si Christyi Lamiel Bernales ay tumiklop kay WIM Amalia Aranaz Murillo.