MANILA, Philippines - Pagkakataon ngayon ng Army Lady Troopers na solohin ang liderato sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa pagharap sa Air Force Air Spikers sa The Arena sa San Juan City.
Magkasalo ang Army at pahingang nagdedepensang Cagayan Valley sa unang puwesto sa 6-1 karta at ang ikapitong panalo ay magtutulak din sa Army para sa playoff sa puwesto sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa.
Pangalawang laro ito at magsisimula matapos ang pagtutuos ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters at National University Lady Bulldogs sa ganap na alas-2 ng hapon.
Nawala ang dating magandang kondisyon ng Turbo Boosters bunga ng siyam na araw na pahinga para lasapin ang 18-25, 21-25, 24-26, pagkatalo sa Ateneo Lady Eagles sa pagbubukas ng quarterfinals noong Linggo.
Kailangang bumalik na ang tikas ng koponan dahil maghahangad din ang Lady Bulldogs na makabangon mula sa four-sets pagkatalo sa kamay ng Air Force.
Kasalo ng NU ang Ateneo sa ikalima at anim na puwesto sa 3-5 baraha at mahihirapan na silang umabot sa semis kung matatalo sa pangalawang sunod na laro.
Ang nakuhang momentum sa huling laro ang sasandalan ng Air Spikers para tumibay ang paghahangad ng puwesto sa susunod na round sa pagsungkit ng ikaanim na panalo.
Sina Judy Caballejo, Joy Cases at Maika Ortiz ang mga pangunahing manlalaro ng Air Spikers pero makakatulong sa asam na panalo kung gagana uli ang laro nina Liza Deramos, May Pantino at Jocie Tapic.
Sa kabilang banda, sina Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse, Nerissa Bautista, Jovelyn Gonzaga at setter Tina Salak ang mga magtutulong-tulong para maulit ang 3-1 panalo sa Air Force.