MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, pinayukod ng Philippine men’s team ang Afghanistan, 3.5-0.5, samantalang blinangko ng women’s squad ang Palau, 4-0, sa pagsisimula ng mga aksyon sa 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway noong Sabado ng gabi.
Dinaig nina Grand Masters Julio Catalino Sadorra, John Paul Gomez at Eugene Torre sina FIDE Masters Mahbuboollah Kooshani, Zaherudden Asefi at Hamidullah Saraery, ayon sa pagkakasunod.
Nakipag-draw naman si IM Paulo Bersamina kay Zabiullah Ahmadi sa kanyang Olympiad debut.
Umiskor si Sadorra, pambato ng University of Texas sa Dallas, ng isang 32-move win gamit ang English Opening clash kontra kay Kooshani sa kanyang unang laro sa nasabing biennial event.
Ginamit naman ni Gomez ang Benko Gambit para gibain si Asefi.
Nanalo naman ang 63-anyos na si Torre, maglalaro sa kanyang record na ika-22 Olympiad appearance, sa pamamagitan ng default kay Sarwary.
Samantala, nagtala ng mga panalo sina Cheradine Camacho, Janelle Mae Frayna at Catherine Perena via checkmates laban kina Angelica Parrado, Baby Edna Mission at Destiny Sisior, ayon sa pagkakasunod.
Lalabanan ng men’s team ang Bosnia Herzegovina at makakatapat ng mga Pinay ang International Chess Committee of the Deaf.