Pinas sa Finals pinatalsik ang China 1

   Tuwang tuwa sina Carlo Biado at Dennis Orcollo nang talunin ang pambato ng China. (Larawan mula sa AZBilliards.com)

MANILA, Philippines - Hindi pinaporma nina Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Carlo Biado at Rubilen Amit ang mga pambato ng China 1 sa 4-0 panalo sa 2014 World Pool Team Championship semifinals kahapon sa Tongzhou, Luhe High School sa Beijing, China.

Nangibabaw si Orcollo sa dating world champion na si Wu Jiaqing, 6-3, sa men’s 8-ball singles, si Corteza at Biado ay nagdomina kina Chu Bing Chia at Li He Wen, 6-1, sa men’s 8-ball doubles; si Corteza ay nanalo pa kay Li, 8-3, sa men’s 9-ball bago tinapos ni Amit ang impresibong paglalaro ng Pambansang koponan sa 8-3 pamamayagpag sa World  Women 9-ball champion na si Han Yu, sa women’s 9-ball.

Ang Pilipinas na pumangalawa sa unang taon ng kompetisyon noong 2010, ang siyang pinapaboran na manalo sa 24-bansang kompetisyon hindi lamang dahil tinalo nila ang isa sa dalawang koponan ng host country kundi dahil pina­talsik ng bansa ang nagdedepensang kampeon Chinese Taipei, 4-2, sa quarterfinals noong Huwebes ng gabi.

Umabot sa Final Four ang China 1 sa madaling 4-1 pananaig sa Singapore.

Kinatawan ang Taiwanese team nina Chang Jun Lin, Ko Pin Yi, Fu Che Wei at Chou Cheih Yu na siyang nagtulong-tulong para manalo noong 2012 edisyon para ipalagay na matibay na koponan.

Nagsalitan ng panalo ang magkabilang koponan sa 8-ball at 9-ball events upang maiwan sa dalawang 10-ball ang laro para madetermina kung sino ang magpapatuloy ng kampanya.

Katapat ni Orcollo si Chang sa 10-ball singles at nanaig sa palitan ng safeties ang Pinoy cue-artist tungo sa 7-6 panalo.

Sina Biado at Amit ang kaharap nina Fu at Chou sa mixed event at  kahit nawala ang maagang 5-2 kalama­ngan at nakita pa nilang lumamang ang katunggali, 5-6, ay hindi nasiraan ng loob ang dalawang pambato ng bansa nang naipanalo ang sumunod na dalawang racks para sa  7-6 tagumpay.

Ang championship ay paglalabanan ngayong alas-2 ng hapon at kalaban ng bansa ang mananalo sa pangalawang semis match kagabi sa hanay ng China 2 na binuo nina Liu Haitao, Dang Ching Hu, Wang Can, Fu Xiaofag at Liu Shasha at Japan na kinatawan nina Naoyuki Oi, Sasaaki Tanaka, Hayato Hijikata at Chichiro Kawahara.

Galing ang China 2 sa 4-0 shutout panalo sa Great Britain habang sa 7-5 shootout nagwagi ang Japan sa malakas na German team matapos mauwi sa 3-3 ang kanilang tagisan. (ATan)

Show comments