MANILA, Philippines - Manatiling magkasalo sa liderato ang habol ngayon ng four-time defending champion San Beda Red Lions at Arellano Chiefs sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Tatangkain ng Lions ang makabangon mula sa paglasap ng 76-83 pagkatalo sa St. Benilde Blazers noong Lunes sa pagbangga sa San Sebastian Stags sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ikaapat na panalo ang nais siluin ng Chiefs sa pagharap sa host Jose Rizal University Heavy Bombers sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
Ma 5-1 karta ang Lions at Chiefs at sakaling manalo ang dalawa ay aagwat pa sa pumapangatlong Perpetual Help Altas na may 4-2 karta.
Sa kabilang banda, ang Stags at Heavy Bombers ay mayroong 3-3 baraha at nakagrupo sa pahingang St. Benilde sa ikalima hanggang ikapitong puwesto.
Nananalig si Lions coach Boyet Fernandez at maging ang kanyang bataan na hindi puwedeng hindi sila maglaro ng todo sa kabuuan ng labanan kung gusto nilang manalo.
“I remained the boys that we should always be aggressive especially in defense in our next games,” wika ni Fernandez.
Hindi nila puwedeng biruin ang Stags dahil pagsisikapan nilang tapusin ang dalawang dikit na pagkatalo at ang huli ay nangyari pa sa nangungulelat na Mapua Cardinals (81-89).
Angat din ang Chiefs sa Heavy Bombers na mataas ang morale na haharapin ang larong ito matapos padapain ang Altas, 62-61, sa huling asignatura.
Mabangis ang panimula ng koponang hawak ni coach Jerry Codiñera dahil sila ang lumalabas bilang number one offensive team ng liga sa 85.8 puntos.
Ngunit masasabing kontra-pelo nila ang Heavy Bombers na number two sa depensa sa ibinibigay na 68.5 puntos sa kalaban.
Ang Lions ang una sa depensa sa 65.2 average.
Pigilan ang mga kamador ng Chiefs na sina Levi Hernandez (15), Jiovani Jalalon (12.67), Keith Agovida (12.33), John Pinto (12.17) at American Dioncee Holts (10.33) ang nais ng Heavy Bombers para makabangon.
“Malakas sila sa transition at ito ang kailangang pigilan namin,” wika ni Bombers coach Vergel Meneses na aasa sa opensa kina Philip Paniamogan at Michael Mabulac.