MANILA, Philippines - Suporta mula sa bench ang nais na makita ni Perpetual Help Altas coach Aric del Rosario para pigilan ang dalawang dikit na pagkatalo sa pagpapatuloy ngayon ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
“Hindi kami mananalo kung tatlong players lang ang sasandalan namin. So I’m challenging the other players to provide help,” wika ni Del Rosario.
Katipan ng Altas ang mainit na Lyceum Pirates sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng Letran Knights at Emilio Aguinaldo College Generals dakong alas-4.
Isang panalo sa limang laro, kasama ang magkasunod na kabiguan, ang karta ng Knights habang may apat na sunod na talo ang Generals kaya’t asahan na pupukpok ang magkabilang panig para pagningasin uli ang nanlalamig na kampanya.
Sina Earl Scottie Thompson, Juneric Baloria at Harold Arboleda ay naghahatid ng 56 puntos average kada laro pero kailangan nila ngayon ng suporta para masabayan ang malakas na laro na ipinakikita ng Pirates na may tatlong dikit na panalo.
Isa pang panalo ng tropa ni coach Bonnie Tan ang magpapatatag ng kapit sa ikatlong puwesto kasunod ng four-time defending champion San Beda Red Lions at Arellano Chiefs na magkasalo sa unang puwesto bitbit ang 5-1 karta.
Iaasa ni Tan ang hanap na panalo sa mga masisipag na sina Joseph Gabayni at Guy Mbida bukod sa liderato ng mga beterano na sina Shane Ko at Dexter Zamora.