NLEX nagpalakas na, Yeo dinala sa Ginebra
MANILA, Philippines - Hindi pa man nasisipat ang kalidad matapos ang pag-akyat sa PBA ay nagsagawa na ng plano ang bagong koponang NLEX Road Warriors para mapalakas ang team sa 2015 season.
Binili ang prangkisa ng Air21 Express, ipinamigay ng Road Warriors si Joseph Yeo sa Barangay Ginebra kasabay ng paglipat sa San Miguel Beer ng kanilang 2016 first round pick.
Kapalit nito ay ang mga first round picks ng Gin Kings at Beermen upang magkaroon ng tatlong first rounder ang NLEX sa 2015 Rookie Draft.
Ang susunod na taon na drafting ang pinagtutuunan ng NLEX dahil maraming dating player sa D-League ang hindi muna sasama sa drafting na nakakalendaryo sa Agosto.
Hindi naman nadedehado ang Barangay Ginebra dahil mapapakinabangan nila si Yeo na kilala bilang isang scorer.
Ang 5’11 guard ay nagtala ng 11.6 puntos, 2.8 rebounds at 2.6 assists sa katatapos lang na PBA Governors Cup.
Ang pagkilos na ito ng NLEX ay bilang pagtalima sa pagnanais ng pamunuan na maging palaban na sa titulo matapos ang dalawang taon na paglalaro sa PBA.
Inangkin ng NLEX ang anim sa pitong titulong pinaglabanan sa PBA D-League kaya’t mataas din ang ekspektasyon ng may-ari ng koponan na si Manny V. Pangilinan.
Ang NLEX ay isa sa tatlong bagong koponan na kasali sa 40th season ng PBA.
Ang Kia Motors at Blackwater Sports ang dalawang bagong mukha sa liga pero di tulad ng NLEX na bumili ng prangkisa, nagbayad ng franchise fee ang Kia at Blackwater Sports at sila ay magpapalakas gamit ang manlalaro na nakuha sa expansion drafting at sa gagawing rookie drafting sa Agosto. (ATan)
- Latest