MANILA, Philippines - Nilampasan ni Ernest John Obiena ang Pambansang record sa pole vault nang nakagawa ng 5.01 metro sa idinaos na PATAFA Weekly Relays noong Linggo sa Philsports Oval sa Pasig City.
Ang marka ng 18-anyos na anak ng dating pambato sa event na si Emerson Obiena, ay lampas ng isang sentimetro sa 5 metro national record na pinagsaluhan nila ni Fil-American Edward Lasquete.
Nagawa ni Lasquete ang marka noon pang 1992 sa Barcelona Olympics habang naging ikalawang Filipino pole vaulter si Obiena nang nalampasan ang limang metro sa idinaos na 21st Taiwan Non Tou Indoor Pole Vault Championship noong Abril.
Ang meet director na si Renato Unso at Andrew Pirie, kasapi ng Association of Track and Field Statisticians at tauhan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa tanggapan ni Commissioner Jolly Gomez ang sumaksi sa nagawa ni Obiena para kilalanin ng PATAFA bilang bagong national record.
Nakakuha na rin ng puwesto ang junior athlete na si Obiena sa ipadadalang athletics team para sa 2015 SEA Games sa Singapore dahil lampas ang bagong marka sa 5-meters bronze medal performance noong 2013 Myanmar SEA Games.
Bago ito ay ipinadala si Obiena sa Formia, Italy para magsanay sa loob ng tatlong buwan sa ilalim ng pamosong pole vault coach na si Vitaly Petrov.
Si Petrov ang coach ng ilang world champions tulad ni Sergei Bubka na siyang nagparating ng imbitasyon sa PATAFA nang bumisita ito sa bansa noong Enero.