MANILA, Philippines - Sinandalan ng Pilipinas ang malaking agwat para maisantabi ang pagkulapso sa huling limang minuto para matakasan ang India, 70-66, sa 5th FIBA Asia Cup quarterfinals kagabi sa Wuhan Sports Centre sa Wuhan, China.
Ang pangatlong three-pointer ni Paul Lee ang nagbigay sa nationals ng 70-54 kalamangan sa huling 5:15 ng labanan pero mga errors ang sunod na ginawa ng nationals para makapanakot pa ang Indian team na gumawa ng marka sa Group elimination nang pinabagsak ang host China.
Hindi nahawakan ni Marcus Douthit ang inbound pass na nagresulta sa transition lay-up ni V Bhriguvanshi para tapyasan sa lima ang kalamangan sa huling 1:31 ng laro.
Patuloy man ang mga mintis ng Pilipinas, kasama ang dalawang free throws ni LA Tenorio, ngunit hindi rin naipasok ng India ang tatlong mahahalagang buslo para pumasok ang tropa ni coach Chot Reyes sa semifinals.
Kalaban ng Gilas ngayon ang Iran na pinagpahinga ang Jordan, 75-60, sa naunang laro.
Ang tagisang ito ay rematch nang 2013 FIBA Asia Men’s Championship at nais ng Gilas national team ang maipaghiganti ang 71-85 pagkatalo.
Tulad sa mga nakaraang laro, si Lee ang namuno sa koponan sa kanyang 15 puntos habang sina Douthit at Ranidel De Ocampo ay may 14 at 13 puntos. Ang 6’9 naturalized center ay may 12 rebounds din ngunit may apat na errors.
Mabagal ang panimula ng Gilas upang makalamang muna ang India.
Angat ang India sa 14-17 ang iskor nang nagpakawala ng magkasunod na triples sina De Ocampo at Anthony Washington para tuluyang ibigay sa Pambansang koponan ang abante ng labanan, 20-17.
Binuksan ni De Ocampo ang ikalawang yugto tangan ang four-point play para pasiklabin ang 20-5 palitan at ibigay sa Pilipinas ang 40-22 kalamangan.
Ang Chinese Taipei ay nanaig sa Japan, 76-62, at hihintayin nila ang mananalo sa pagitan ng host China at Singapore para siyang makatuos sa isa pang laro sa semifinals.