Heavy Bombers, Knights unahan sa panalo

MANILA, Philippines - Mag-uunahan ang host Jose Rizal University Heavy Bombers at Letran Knights sa pagsilo sa ikalawang sunod na panalo habang babangon ang Lyceum Pirates mula sa huling pagkatalo sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Magku-krus ang landas ng Heavy Bombers at Knights sa ganap na alas-2 ng hapon at ang mananalo ay kakalas sa four-way tie sa 1-2 puwesto.

Balak ng Pirates na itabla rin ang karta matapos ang apat na laro sa pagsukat sa kakayahan ng Mapua Cardinals dakong alas-4 ng hapon.

Dumapa ang Pirates sa four-time defending champion San Beda Red Lions sa huling laro, 68-84, pero binigyan sila ng magandang tsansa na magwagi sa Cardinals na hindi pa nananalo matapos ang tatlong laro.

Tinapos ng Bombers ang dalawang dikit na pagkatalo sa pamamagitan ng 69-61 pamamayagpag sa St. Benilde Blazers.

Kailangang hindi mawala ang magandang pagtutulungan ng JRU dahil inspirado rin ang Knights matapos kunin ang 79-67 panalo sa Mapua para tapusin ang dalawang dikit na pagkatalo.

 

Show comments