Lady troopers pinaamo ang Bulldogs, sumalo sa itaas

MANILA, Philippines - Hindi naging problema para sa Philippine Army Lady Troopers ang hamon ng National University Lady Bulldogs nang kunin ang 25-19, 25-22, 25-22, panalo sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Lumabas ang dating laro ni Nerissa Bautista sa pinakawalang 14 kills tungo sa 15 puntos habang sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzala at Mary Jane Balse ay tumapos taglay ang 12, 11 at 10 puntos.

Suportado ang ma­lakas na pag-atake ng magandang depensa at si Gonzaga na may 10 kills, ay naghatid pa ng 9 digs habang ang libero na si Christine Agno ay may pitong digs para saluhan uli ng Lady Troopers ang pa­­hingang PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa unang puwesto sa 3-0 karta.

Tulad ng dapat asahan, ang 6’4 na si Jaja Santiago ay may 18 puntos, mula sa 15 kills at dalawang aces.

Pero si Myla Pablo ang ikalawang nangungunang pumuntos para sa Lady Bulldogs taglay ang walong puntos lamang para malag­lag sa unang pagkatalo sa dalawang laro ang koponan sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa.

Nakitaan ng tibay ng dibdib ang Philippine Air Force Air Spikers nang maigupo ang hamon ng palabang Ateneo Lady Eagles, 22-25, 25-13, 25-13, 23-25, 17-15, panalo sa ikalawang laro.

Isinantabi ng Air Spikers ang 11-13 iskor pabor sa UAAP champion Ateneo at nakuha ang panalo sa net violation ng Lady Eagles na nasundan ng matikas na atake ni Joy Cases na lumusot sa dalawang blockers.

Tumapos si Cases bitbit ang 14 atake at isang service ace para makatuwang nina Maika Ortiz, Judy Ann Caballejo at Iari Yongco na may 17, 12 at 11 puntos na ibinigay sa Air Force ang 3-1 karta.

Nasayang ang 32 puntos mula sa 26 kills at 4 blocks, ni Alyssa Valdez ma­tapos bumaba ang Ateneo sa 1-2 baraha.

 

Show comments