MANILA, Philippines - Gusto lamang ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao na ipagpaliban ang selebrasyon ng nagdedepensang San Mig Coffee noong Lunes.
Ngayon ay pipilitin na niya itong kanselahin nang tuluyan.
Matapos maitabla ang kanilang best-of-five championship series sa Game Four noong Lunes ay sinabi ni Guiao na ang kanilang ‘winner-take-all’ Game Five ng Mixers ay magiging sukatan ng kung sinong koponan ang mas gustong kumuha sa korona ng 2014 PBA Governors’ Cup.
“Sa Tagalog, may kasabihan tayong matira ang matibay,” sabi ni Guiao.
“Talagang patibayan na ito dahil sa sked at sa klase ng laro. It’s really physical out there and you have to take all that.”
Pag-aagawan ng Rain or Shine at San Mig Coffee ang titulo ngayong alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Hangad ng Elasto Painters ang kanilang ikalawang titulo matapos maghari noong 2012 PBA Governors’ Cup katulong si import Jamelle Cornley kung saan nila tinalo ang B-Meg (ngayon ay San Mig Coffee), habang ang ikaapat na sunod na korona na tatampukan ng PBA Grand Slam ang asam ng Mixers.
Target ni mentor Tim Cone ang kanyang ika-18 PBA championship at pangalawang PBA Grand Slam matapos igiya ang Alaska noong 1996.
“No doubt we have more pressure. We’ve realized that, and we have to play through it. Winning a grand slam is hard,” sabi ng 56-anyos na si Cone.
Ang maalamat na Crispa ni coach Baby Dalupan ang kumuha sa Grand Slam noong 1976 season at muli itong nakamit ng Redmanizers noong 1983 sa ilalim ni mentor Tommy Manotoc tampok si “Black Superman” Billy Ray Bates bilang import.
Ang San Miguel Beer ni Norman Black ang kumuha ng ikatlong Grand Slam noong 1989 kasunod ang Alaska ni Cone noong 1996.
Kinuha ng San Mig Coffee ang Game One, 104-101, bago nakatabla ang Rain or Shine sa Game Two via 89-87 overtime win.
Rumesbak ang Mixers sa pagsikwat sa 78-69 tagumpay sa Game Three hanggang makatabla ang Elasto Painters sa Game Four, 88-79, na nagresuta sa kanilang ‘winner-take-all’ match.