Pacquiao lalahok sa PBA Draft

MANILA, Philippines – Kahit itinalaga nang head coach ng bagong koponan sa PBA na Kia Motors, hindi pa rin nagpapigil ang Filipino boxing icon Manny Pacquiao na tuparin ang kanyang pangarap na maging professional basketball player.

Inihayag ni Pacquiao ang kanyang planong pagsali sa PBA Rookie Draft upang maging ganap na basketbolista sa opening ng PLDT-ABAP National Open Championship sa Digos City.

Nakatakda ang rookie draft ng pinakamatandang liga sa Asya sa Agosto 24 sa Robinson’s Place in Ermita, Manila.

“Magpa-draft ako this coming August. Then mag-playing coach ako sa Kia Motors,” pahayag ng eight-division champion.

Bukod sa Kia, sasalang din ang iba pang bagong koponan ngayong 2014-2015 season na NLEX at Blackwater Sports.

Marami ang hindi pabor sa pagsali ni Pacquiao sa PBA, ngunit hindi niya ito pinapansin.

“Bale wala sa ’kin yon,” banggit ng WBO welterweight champion.

Show comments