DIGOS City, Philippines ---Apat na miyembro ng Team PacMan ang umabante sa susunod na yugto ng PLDT-ABAP National Amateur Boxing Championships na idinadaos dito sa Digos City Stadium.
Ngunit apat ding PacMan fighters ang napatalsik sa kani-kanilang dibisyon.
Tinalo ni Jericho Sahohito ng PacMan B si Mounsour Grullo ng Maasin City sa jr. boys light flyweight (46kgs) category via 3-0 victory, habang binigo ni Gerald Alvarez si Reymart Foster ng Sorsogon, 3-0, sa parehong weight division.
Pinayuko naman ni Peter Patrick Cagunay ang kakamping si Oliver Genecera via split decision sa jr. boys light bantamweight (52kgs) at umiskor si Ryan Moreno ng TKO win sa second round laban kay Joel Ramos ng Tayabas, Quezon sa youth boys pinweight (46kgs) division.
Umabante rin sa susunod na yugto ang mga Cebu City fighters sa pamumuno ni PNG gold medal winner Junrel Jimenez na nagtala ng TKO kay Reymak Jay Ibones ng Lutayan, Sultan Kudarat sa 1:43 sa second round sa youth boys flyweight division.
Nanaig naman si Kit Ceron Garces via unanimous decision kay Giovanne Argate ng Leyte sa jr. boys fly weight (50kgs) match.