Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. NU vs UP
4 p.m. PNP vs Ateneo
MANILA, Philippines - Tatlong collegiate teams at isang club team ang mag-uunahan sa pagsungkit ng kanilang unang panalo sa pagsisimula ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Ang National University Lady Bulldogs ay babangga sa UP Lady Maroons sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon bago pumalit ang Ateneo Lady Eagles para sukatin ang PNP Lady Patrollers dakong alas-4 ng hapon.
Nakatutok ang mata sa ipakikita ng Lady Bulldogs ngayong wala na sa koponan ang 6’2 na si Dindin Santiago na siyang nakatulong para makatikim ng titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Ang nakababatang kapatid ni Dindin na si 6’4 Jaja Santiago ang makikipagtulungan ngayon kina Carmina Aganon, Myla Pablo, Ivy Perez at Desiree Dadang para makatikim agad ng panalo ang dating kampeon sa first conference.
Sina Alyssa Layug, Yen Ilustre, Angeli Araneta, Arylle Magtalas at Monica Ortiz ang magdadala sa laban ng Lady Maroons.
Si Alyssa Valdez ang pangunahing manlalaro uli ng Lady Eagles para magkaroon ng mas magandang kampanya ang UAAP champion.
Makakasama ni Valdez sina Amy Ahomiro, Michelle Morente, Ella de Jesus, Aerieal Patnongon at mga bagong pasok na sina Bea de Leon at Therese Gaston.