PLDT Home Telpad tututukan sa Shakey’s V-League

MANILA, Philippines - Ipinalalagay na ang PLDT Home Telpad ang si­yang magiging palaban sa Shakey’s V-League Sea­son 11 Open Confe­rence na magsisimula na sa Linggo (Hunyo 29) sa The Arena sa San Juan City.

Ang Cagayan Valley Rising Suns ang siyang nagdedepensang kam­peon at magbabalak na palawigin ang winning streak na nasa 16 matapos walisin ang kompetisyon noong nakaraang taon.

Ngunit dadaan sa mas matinding ruta ang kopo­nan dahil nagpalakas ang ibang kasali sa pangu­nguna na ng PLDT matapos hugutin ang 6’2 spiker na si  Dindin Santiago.

May solidong suporta pa si Santiago sa koponan ni coach Roger Gorayeb dahil nasa koponan si da­ting MVP Suzanne Roces, Charo Soriano, Gretchel Soltones, Laurence Ann Latigay, Angela Benting, Ryzabelle Devanadera at Carmina Aganon.

Nandiyan din ang mahuhusay na setters na sina Rubie de Leon at Jem Ferrer para tumikas ang lakas ng koponan sa ligang inor­ganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s ay may ayuda pa ng Accel at Mikasa.

Sinikap din ng Cagayan Valley na sumabay sa pagpapalakas ng koponan dahil kinuha ni coach Nes Pamilar sina Faye Guevara, Janine Marciano, Chie Saet at Pau Soriano.

Nasa koponan din si Gemalyn Seguirre na nagmula sa GNH sa Cagayan.

Magbubukas ang liga sa pagtutuos ng National U at UP sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng Ateneo at PNP sa alas-4.

 

Show comments