World 9-ball championship Orcollo, 5 pa nanalasa agad

MANILA, Philippines - Pinangunahan nina An­tonio Gabica at Dennis Orcollo ang anim na Filipino cue-artists na nagwagi ng kanilang unang laro sa pagsisimula ng 2014 World 9-Ball Championship sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar  noong Sabado.

Giniba ni Gabica, parte na ng coaching staff ng Qatar national team at noong nakaraang taon ay puma­ngalawa sa kompetisyon, si Kou Po Cheng ng Chinese Taipei, 9-5, sa Group 4 habang si Orcollo ay bumangon mula sa 6-8 iskor tungo sa 9-8 panalo kay Jason Klatt ng Canada sa Group 7.

Nanalo rin sina Warren Kiamco, Carlo Biado, Raymund Faraon at Elvis Calasang para mangailangan na lamang ng isang panalo para umabante sa knockout stage sa kompetisyong sinalihan ng 128 players at sinahugan ng $200,000.00 kabuuang premyo.

Race-to-9, alternate break at double elimination ang format ng Group sta­ges  na kinabibilangan ng 128-manlalaro at si Kiamco ay nanalo kay Stephan Cohen ng France, 9-7, sa Group 6; si Biado ay wagi kay Nour Wasfi Al-Jarrah ng Jordan, 9-3, sa Group 8; si Faraon ay namayani kay Denis Grabe ng Estonia, 9-8, sa Group 9; at si Calasang ay nangibabaw kay Marzen Berjaoui ng Lebanon, 9-3, sa Group 10.

May siyam na Pinoy ang nasabak sa unang araw ng kompetisyon pero minalas sina dating world champion Efren “Bata” Reyes, Ramil Gallego at Francisco Felicilda na natalo sa kanilang mga laro.

Si Reyes na siyang ka­una-unahang Filipino cue-artist na nanalo sa kompetis­yon noong 1999, ay natalo kay Jeong Young Hwa ng Korea, 5-9, sa Group 9; habang sina Gallego at Felicilda ay yumuko kina Nick Van Den Berg ng Netherlands (7-9) at Ngu­yen Anh Tuan ng Vietnam (6-9) sa Groups 4 at 12.

Kailangan nina Reyes, Gallego at Felicilda na manalo ng dalawang laro sa loser’s side para puma­sok sa Last 64.

Kasali rin sina Lee Van Corteza, Johann Chua, Jeff De Luna, Israel Rota at Elmer Haya pero kahapon lamang sila nagsimula ng kampanya sa torneo.

Ang tatanghaling kam­peon  ay may  $30,000.00 premyo at ang Pilipinas ay nagbabalak na makuha ang pang-apat na world champion sa 9-ball.

 

Show comments