Esplana kumpiyansa sa kampanya ng Generals
MANILA, Philippines - Kung may isang koponan na mataas ang kumpiyansa na aangat pa ang ipinakita noong nakaraang taon sa bubuksang Season 90 ng NCAA men’s basketball, ito ay ang Emilio Aguinaldo College.
Nakapagtala ng winning record ang Generals noong Season 89 sa 10-8 baraha pero kinapos sila ng isang panalo para marating ang Final Four sa unang pagkakataon.
Kinalimutan na ni Generals coach Gerry Esplana ang nangyari at pinagtutuunan nang husto ang taong ito na kung saan naniniwala siya na makakagawa ng pinakamagandang pagtatapos ang koponan sa ikalimang taon sa liga.
“Mas may kumpiyansa ang mga players ko ngayon matapos ang naabot namin last year. Nakita nila na kaya nilang sumabay sa ibang teams,†pahayag ni Esplana.
Ang mga namuno sa koponan noong nakaraang taon na sina 6’7 Noube Happi, Jan Jamon, Igee King, John Tayongtong, Jack Arquero at Sidney Onwubere ay magbabalik sa taong ito na mas mahusay at mas matibay.
Si Happi ang siya pa ring sasandalan ni Esplana pero alam niyang hindi mananalo ang koponan kung hindi magpapakita ng magandang team work.
Matibay din ang bench support ng Generals ngayon sa pagpasok nina Ariel Aguilar, Manel Quilanita, John Santos, Jerald Serrano at Jozhua General.
Si General ang dating manlalaro ng UP Integrated School sa UAAP noong nakaraang taon na naging kontrobersya matapos ideklara ng liga na isang ineligible player.
Ang EAC at Lyceum ay nasa huling taon ng pagiging probationary members sa pinakamatandang collegiate league sa bansa at ang ipakikita ay maaaring makatulong para umangat ang kanilang estado.
- Latest