Texters sa semis, pinatalsik ang Energy Cola

MANILA, Philippines - Sila ang unang kumuha sa quarterfinals ticket at sila rin ang sumikwat  sa unang semifinals berth.

Nag-init sa third period, pinatalsik ng No. 1 Talk ‘N Text ang No. 8 Barako Bull sa pamamagitan ng 99-84 panalo para umabante sa semifinal round ng 2014 PBA Governors’ Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Tumapos si Nino ‘KG’ Canaleta na may 25 points, tampok dito ang 6-of-11 shooting sa three-point line, para sa pagpasok ng Tropang Texters, humawak ng ‘twice-to-beat incentive sa quarterfinals laban sa Energy Cola, sa best-of-five semifinals series.

“Great team effort by my players today. We’re very balanced as far as our sco­ring is concerned and we have a lot of contributions from everybody,” sabi ni coach Norman Black.

Matapos kunin ng Barako Bull ang 56-47 abante sa 8:16 ng third period mula sa ratsada ni import Allen Durham, kumamada ang Talk ‘N Text ng 20-7 atake para agawin ang unahan sa 67-63 sa 2:12 minuto nito.

Pinalobo ng Tropang Texters ang kanilang kalamangan sa 18 puntos, 97-79, sa huling 3:18 minuto ng fourth quarter para tuluyan nang resbakan ang Energy Cola.

Tinalo ng Barako Bull ang Talk ‘N Text, 88-74, noong Hunyo 10 kung saan kumolekta si Durham ng 28 points at 29 rebounds.

Ang mananalo sa pagitan ng No. 4 San Mig Coffee at No. 5 San Miguel Beermen ang siyang lalabanan ng Tropang Texters sa semis series.

(Russell Cadayona)

 Talk ‘N Text  99 - Canaleta 25, Harris 24, Castro 16, De Ocampo 14, Williams 7, Fonacier 4, Alapag 3, Reyes Ryan 2, Baclao 2, Carey 2, Aban 0, Reyes Jai 0.

Barako Bull 84 - Durham 25, Jensen 17, Miranda 12, Pennisi 11, Fortuna 6, Wilson 5, Miller 4, Marcelo 4, Deutchman 0, Intal 0.

Quarterscores: 16-17; 41-43; 73-65; 99-84.

Show comments