Roach mas gustong sa US gawin ang laban ni Pacman

MANILA, Philippines - Duda si Freddie Roach na matutuloy ang laban ni Manny Pacquiao sa Macau sa Nobyembre.

Ang pagdududa ni Roach ay may basehan lalo pa’t may malalaking pangalan ang binabanggit bilang posib­leng makasukatan ni Pacman sa pagbabalik ng ring.

Naunang sinabi ng Top Rank na si Juan Manuel Mar­quez ang nais nilang itapat kay Pacquiao sa ikali­mang pagkakataon pero nabuksan ang pintuan sa ibang katunggali nang nagkasundo sina Bob Arum at Oscar de La Hoya ng Golden Boy Promotions (GBP).

Ang pangalan nina Amir Khan at Danny Garcia ang lumulutang na puwedeng isagupa kay Pacquiao galing sa kampo ng GBP.

Naririyan din ang pangalan ng isa pang alaga ni Roach na si Ruslan Provodnikov ng Russia na gumagawa na rin ng sariling pangalan.

“They talk about fighting in China, if these big fights happen, they must move the location,” wika ni Roach sa panayam ng The Sweet Science.

Tinuran pa ni Roach na sina Marquez, Provodnikov at Garcia ay may pangalan na sa US at pinapanood sa Pay Per View kaya’t mas nararapat na sa Estados Unidos gawin ang laban.

“Marquez, Ruslan, those are big fights in America and on pay-per-view, even Danny Garcia, I don’t think that would go from China. I think they would bring it to America, depending on the opponent,” paliwanag pa ni Roach.

May two-fight winning streak ang Kongresista ng Sarangani Province at ang huling tinalo niya ay ang dating walang talong si Timothy Bradley para mabawi rin ang WBO welterweight title.

Sakaling matuloy ang plano na sa China si Pacquiao lumaban ay may handa nang plano si Roach.

“If that happens, training camp is going to be eight weeks in the Philippines,” ani nito.

Mapapaganda ito para kay Pacquiao dahil magagawa niya ang mag-ensayo bukod sa pagiging rookie coach sa PBA sa expansion team na Kia Motors.

Show comments