Spurs pinahiya ang Heat, lumapit sa kampeonato

Isang panalo na lamang ang kailangan ng San Antonio Spurs upang masungkit ang inaasam na kampeonato. AP/Wilfredo Lee

MANILA, Philippines – Maagang nag-alisan ang mga taga-suporta ng Miami Heat sa kanilang homecourt na American Airlines Arena dahil sa ikalawang sunod na pagkakataon ay tinambakan silang muli ng San Antonio Spurs, 107-86 sa game 4 ng NBA Finals.

Kumakaway na ang Spurs sa inaasam na kampeonato matapos kunin ang 3-1 na kalamangan sa best of seven na serye sa likod ng double-double performance ng third year forward na si Kawhi Leonard at beteranong si Tim Duncan sa pinagsamang 30 points at 35 rebounds.

Sa kasaysayan ng liga ay wala pang koponan ang nakababangon mula sa 1-3 na pagkakalubog.

Kaugnay na balita: Spurs tinambakan ang Heat, umabante sa serye 2-1

Tila alam na ng San Antonio ang dapat gawin upang hindi makaporma ang kalaban mula nang tambakan nila ang Miami sa Game 3, 111-92.

Tangka ng Spurs na tapusin ang serye sa kanilang homecourt sa Lunes.

Show comments