Kasaysayan sa Azkals vs Palestine

MANILA, Philippines - Ipagpatuloy ang pagtaas ng antas ng Philippine football ang balak gawin ng Azkals sa pagharap sa Pa­lestine sa 2014 AFC Challenge Cup Finals ngayong gabi sa National Football Stadium sa Maldives.

Ang laro ay itinakda sa alas-12 ng madaling araw sa Manila.

Ito ang unang pagkaka­taon na tumapak ang Pilipinas sa championship at nangyari ito dahil sa ibayong pagtutulungan ng mga manlalarong kinuha ng bagong pasok na German-American coach Thomas Dooley.

“The team is getting better and better. In terms of unity, the team has grown in the 10 days here,”  ani Doo­ley na pinalitan si Hans Michael Weiss noong Marso.

Si Weiss ang  coach na naihatid ang Azkals sa pa­ngatlong puwestong pag­tatapos noong 2012 edisyon sa Nepal at ang tinalo ng koponan ay ang Palestine sa 4-3 iskor.

Tunay na humusay ang Azkals kay Weiss pero hindi maitatatwa na mas gu­manda ang samahan ng koponan kay Dooley.

Patunay ito sa pagkaka­roon ng limang manla­laro na umiskor na para sa Pilipinas.

 Nangunguna rito ang beteranong si Phil Younghusband at Patrick Reichelt na may tig-dalawang goals habang sina Chris Greatwich, Jerry Lucena at Si­mone Rota ay may tig-isa.

Ang goal ni Greatwich na pamalit sa laro kontra sa host  Maldives sa semifinals, ang siyang nagbigay ng 3-2 panalo sa extra time.

Handa naman ang Pa­lestine na ipaghiganti ang pagkatalo noong 2012 para masungkit din ang kauna-unahang Challenge Cup title sa kanilang bansa.

Bukod sa titulo, ang ma­nanalo sa larong ito ay aabante rin sa AFC Asian Cup na gagawin sa Australia mula Enero 9 hanggang 31, 2015.

 

Show comments