NLEX, Blackwater ikinasa ang Finals

 Laro sa Biyernes

(Smart Araneta Coliseum)

1:30 p.m. Blackwater vs NLEX (Game One Finals)

 

MANILA, Philippines - Naikasa ng NLEX Road Warriors at Blackwater Sports Elite ang ikalawang pagtutuos para sa titulo sa PBA D-League Foundation Cup nang malusutan ang hamon ng mga nakatunggali kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Naipasok ni Kevin Alas ang natatanging tres sa laro habang dalawang free throws ang isinunod ni Ola Adeogun para tulungan ang Road Warriors sa 62-61 panalo sa kinapos na Cebuana Lhuillier Gems upang tapusin ang kanilang semifinals series sa 2-0 sweep.

Ang triple ni Alas ang nagtabla sa iskor sa 60-all at matapos ang sablay sa ganting 3-pointer ni Gab Banal ay tumugon ng dalawang free throw si Adeogun sa foul ni Brian Ilad para ibigay ang 62-60 kalamangan.

Nagtala ng split si Banal at sa sumunod na play ay nakakuha ito ng defensive rebound  upang mabalik sa Gems ang bola may 10 segundo sa orasan.

Pero walang suwerte si Alvin Padilla dahil sablay ang sana’y game winning shot para itulak ang NLEX sa kanilang ikapitong sunod na pagkakataon.

Tumapos si Alas taglay ang pitong puntos habang si Adeogun ay mayroong 8 puntos at 9 rebounds. Sina Jake Pascual, Garvo Lanete at Ronald Pascual ay may tig-11 puntos.

Nauna rito ay kinaila­ngan din ng Elite na magpakatatag para pagpa­hingahin na rin ang Jumbo Plastic Giants, 91-86.

Naglaho ang 80-69 kalamangan nang magpa­kawala ang Giants ng 11-0 bomba para magkatabla sa 80-all, sina Gilbert Bulawan, Jericho Cruz at Reil Cervantes ang siyang hinugutan ng tibay ng Elite para makumpleto ang sweep sa best-of-three series.

Nakalamang pa ang Giants sa triple ni Jeff Viernes, 83-82, pero bumanat ng dalawang free throws si Cruz na nasundan ng buslo ni Cervantes upang hawakan na ng tropa ni coach Leo Isaac ang momentum ng labanan.

Ang off-the-bench na si Bulawan ay mayroong 22 puntos sa 7-of-9 shooting para pangunahan ang laban ng Elite na magbabalak na patunayan na kaya nila ang NLEX sa rematch sa championship na inilagay sa best-of-three series.

 

Show comments