Lady Tams pinalakas nina Daquis at Gonzaga

Hinahalikan ni Rachel Ann Daquis ang kanyang Finals MVP trophy. (Jun)  

MANILA, Philippines - Walang nag-akala na makakaya ng FEU Lady Tamaraws ang manalo ng titulo sa Shakey’s V-League.

Hindi lamang dahil  hin­di pa ito nakakatapat sa Finals sapul nang sumali sa liga, nagtala rin ng 2-3 karta ang koponan matapos ang elimination round.

Ngunit nagbago ang ihip ng hangin nang kunin ang serbisyo nina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gon­zaga para maging ba­gong imports ng FEU.

“Noong unang puma­sok sila, talagang na-star-struck kami dahil ang gagan­da nila at magagaling pa,” ani setter Yna Papa.

Pero ang mahusay na coach na si Shaq delos Santos ay nagawang i-focus ang isipan sa laro para hindi  mawala ang angking galing ng mga bata pero mahuhusay na FEU players.

Nagbunga ang bagay na ito dahil hindi umasa ang koponan sa dalawang imports.

Ang nangyari, nanalo ang FEU sa anim sa hu­ling pitong laro na kanilang tinuldukan ng 2-0 sweep sa naglalakihan at nagde­depensang kampeon na National University.

Bagamat sina Daquis at Gonzaga ang siyang nagdala sa koponan, hindi rin nila sinolo ang kredito sa makasaysayang pagtatapos ng Lady Tamaraws dahil aminadong naroroon din ang kinang nina Papa, Bernadette Pons, Mary Joy Palma, Geneveve Casu­­god at libero Christine Agno.

“Ang maganda sa mga batang ito ay good listeners sila. Hindi sila nagreklamo minsan sa mga ipinaga­gawa namin. Walang sisihan din sa team na ito at walang attitude ang mga batang ito,” pagpupugay ni Gonzaga na nakatikim ng kauna-unahang titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Lilipat na ng ibang liga sina Daquis at Gonzaga habang ang FEU ay magpapatuloy ng paghahanda para sa UAAP.

 

Show comments