Pacers umaasang makakalaro si George sa Game Three

MANILA, Philippines - Sa Sabado (US time) pa gagawin ang Game Three ng Eastern Confe­rence Finals at magandang balita ito para sa Indiana Pacers na binabalot nga­yon ng injuries ang mga mahahalagang manlalaro.

Noong Martes isinaga­wa ang Game Two at na­itabla ng Miami Heat ang serye sa 1-1 nang kunin ang 87-83 panalo sa Ban­kers Life Fieldhouse, Indianapolis.

Matapos ang laro ay paika-ika na lumabas ng court ang mga starters na sina Lance Stephenson, Roy Hibbert at David West habang si Paul George ay nakitaan ng concussion sa ulo.

Nangyari ito kay George matapos bagsakan ng kaliwang tuhod ni Dwyane Wade sa isang looseball play sa huling 6:52 ng labanan.

Nagawang tapusin ni George ang laro pero inamin niya na hindi niya maalala ang  nangyari sa kanila ni Wade dahilan upang kailanganin niyang ipasa muna ang ilang pagsusuri na gagawin sa kanya bago makapaglaro uli sa krusyal na Game 3 sa balwarte ng Miami.

 

Show comments