Lady Bulldogs, Falcons ikakasa ang Finals

MANILA, Philippines - Hanap ngayon ng N­a­tional University Lady Bulldogs at Adamson Lady Falcons ang puwesto sa Finals ng Shakey’s V-League Season 11 First Conference sa pag-asinta uli ng panalo sa UST Tigresses at FEU Lady Tamaraws sa The Arena sa San Juan City.

Hindi naman ito magi­ging madali dahil tiyak na mas handa ang Tig­resses at Lady Tamaraws na harapin ang hamon upang maihirit ang do-or-die Game Three sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Nakauna ang nagdedepensang Lady Bulldogs sa UST sa kinuhang 25-20, 25-23, 22-25, 25-22, panalo at nanguna sa koponan ang magkapatid na sina Dindin at Jaja Santiago na nagsanib sa 33 puntos.

Pero malaking bagay ang anim na puntos, apat dito ay sa blocks, na ibinigay ni Rizza Jane Mandapat na hinalinhinan si Aiko Urdas na dumanas ng left knee injury sa ikatlong set.

Nananalig si NU coach Ariel dela Cruz na magpapatuloy ang magandang laro ng mga inaasahan dahil ang UST ay tiyak na magpupursigi para mabawian ang kanyang koponan.

May 20 puntos si Pamela Lastimosa habang 16 at 11 puntos ang ibinigay nina Ennajie Laure at Jessey De Leon pero ang iba pang kamador ng Tigresses na sina Marivic Meneses at Carmela Tunay ay nalimitahan sa tatlo at dalawang puntos lamang.

Kailangan na uminit uli ang laro nina Meneses at Tunay para makasabay sa malakas na paglalaro ng NU.

Sa kamay nina Shiela Pineda, Pau Soriano at Pa­charee Sangmuang iaasa ng Lady Falcons ang laban para makabalik uli sa championship round sa ligang may ayuda pa ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.

May napanalunan ng 2 titulo, ang Adam­son ay huling tumapak sa Finals ng liga noon pang 2011 at natalo sila sa Ateneo.

 

Show comments