INDIANAPOLIS--Nagposte si Oklahoma City guard Russell Westbrook ng triple-double at muntik din itong gayahin ni MVP Kevin Durant matapos pamunuan ang Thunder sa 112-101 panalo laban sa Los Angeles Clippers para itabla sa 1-1 ang kanilang NBA Western Conference semifinal series.
Kumolekta si Westbrook ng 31 points, 10 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikatlong triple-double sa nakaraan niyang limang playoff games.
Humakot naman si Durant ng 32 points, 12 rebounds at 9 assists bago ipahinga sa huling 1:21 minuto ng laro.
Kung nakumpleto ni Durant ang 10 assists ay sila na ni Westbrook ang magiging kauna-unahang teammates na naglista ng triple-doubles sa iisang playoff game, ayon sa Elias Sports Bureau.
Kumamada naman si J.J. Redick ng 18 points, habang may 17 si Chris Paul na nagtala rin ng 11 assists sa panig ng Los Angeles.
Umiskor si Blake Griffin ng 15 points para sa Clippers, tatayong host ng Game 3 sa Biyernes.
Nagdagdag sina Serge Ibaka at Thabo Sefolosha ng tig-14 points para sa Thunder na dinomina ang Clippers sa rebounding, 52-36.
Kaagad na tumipa si Durant ng 17 points sa first quarter para igiya ang Thunder sa 37-28 bentahe.
Mula sa 61-56 bentahe sa halftime ay pinalaki ng Oklahoma City sa 94-77 ang kanilang kalamangan sa Los Angeles papasok ng fourth period.
Samantala, nagbida si center Roy Hibbert sa 86-82 pagresbak ng Indiana Pacers sa Washington Wizards para itabla sa 1-1 ang kanilang serye.
Sumikwat si Hibbert ng season-best 28 points at 9 rebounds para sa 86-82 panalo ng Pacers.
Sa kabiguan ng Pacers sa Game 1 ay hindi umiskor si Hibbert. Ngunit sa Game 2 ay tumipa si Hibbert ng apat na sunod na basket para banderahan ang Indiana sa first quarter.
Umiskor si Marcin Gortat ng 21 points kasunod ang 17 ni Bradley Beal sa panig ng Wizards.
Inangkin ng Washington ang 77-74 bentahe sa huling 5:01 minuto ng fourth quarter bago umiskor ng anim na sunod na puntos ang Indiana.