MANILA, Philippines - Tumapos ang mga guest players na sina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga taglay ang 21 at 20 puntos bukod sa pagkaÂkaroon ng 8 at 13 digs para bitbitin ang FEU Lady Tamaraws sa semifinals ng Shakey’s V-League Season 11 First Conference sa pamamagitan ng 25-16, 25-15, 24-26, 25-16, panalo sa Arellano Lady Chiefs kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Daquis at Gonzaga na nasa ikalawang paglalaro lamang sa Lady Tamaraws ay nagsanib sa 30 kills at kinapos lamang sila ng apat para tapatan ang 34 kabuuang attack points na ginawa ng Lady Chiefs.
Sa ikaapat na sets nanumbalik ang laro ng daÂlawa para pawiin ang pagkatalo ng FEU sa third set upang tapusin ang asignatura sa quarterfinals sa Group 2 tangan ang 2-1 baraha.
Bunga nito, ang FEU ay makakasama ng nagdedepensang kampeon National University Lady Bulldogs (2-0) sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s.
May 14 puntos pa si Mary Remy Joy Palma at sila ni Daquis ay may tig-tatlong blocks para sa 11-6 kalamangan ng FEU habang si Daquis ay may limang aces upang bitbitin ang koponan sa 10-3 abante sa departamento.
Si Danna Henson ay mayroong 10 kills tungo sa 11 puntos para sa Arellano na namaalam na sa liga.
Tinalo ng Adamson Lady Falcons ang Davao Lady Agilas, 25-15, 25-23, 25-15, sa ikalawang laro para lumakas pa ang paghahangad ng ikalawa at huling semis seat sa Group 1 sa ligang may ayuda pa ng Accel, Mikasa at Lion Tiger Mosquito Coil.
Umangat ang Lady Falcons sa 1-1 baraha at maÂngangailangan na talunin ang nasa semifinals ng UST (2-0) bukas para manatiling buhay ang paghahangad sa titulo sa liga.