MANILA, Philippines - Ibinigay ni Mario FernanÂdez ang ginto sa Pambansang koponan na naglaro sa Lion’s Cup International Boxing Tournament sa Colombo, Sri Lanka.
Tinalo ni Fernandez si Yu Che Li ng Chinese Taipei sa bantamweight division upang pawiin ang kabiguan nina Clark Bautista at Nesthy Petecio na umabante rin sa Finals sa kanilang dibisyon.
Si Bautista ay yumuko kay home town bet Anuruddha Rathnayake sa flyweight division habang talunan si Petecio ni Tassmalee Thongjan ng Thailand sa women’s flyweight class.
Naghatid ng bronze meÂdal si Eumir Felix Marcial upang magkaroon ng disenteng pagtatapos ang Pambansang koponan na inilahok ng ABAP at suportado ng PLDT.
Sina Rogen Ladon at Irish Magno ang kumumpleto sa anim na boxers na iniÂlaban ng bansa at nabigong maghatid ng medalya.
Ang host Sri Lanka ay nagpasiklab nang kilalanin bilang overall champion sa hinablot na limang gintong medalya sa sampung weight divisions na pinaglabanan.
Ang Thailand, Australia, Korea at Kenya ay natulad sa Pilipinas na may tig-isang gintong medalya.