Elite lusot sa Waves sa OT

MANILA, Philippines - Nakumpleto ni Riel Cervantes ang alley-hoof play galing kay Kevin Ferrer para itulak ang nagdedepensang kampeon Blackwater Sports Elite sa 96-94 panalo sa overtime sa Boracay Rum Waves at tumibay ang paghahabol sa puwesto sa quarterfinals sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Tumapos si Cervantes tangan ang 27 puntos mula sa 11-of-13 shooting sa 2-point field at tinapos niya ang impresibong laro nang nasalo at naipasok ang inbound pass ni Ferrer sa midcourt, may 0.3 segundo sa orasan.

Umangat ang koponan sa 4-3 karta at may tsansa pa na sa ikalawang awtomatikong semifinals seat na nakadepende sa ipakikita ng Cebuana Lhuillier  Gems at Jumbo Plastic na nasa ikalawang puwesto sa 5-2 baraha.

Tinapos ng Café France Bakers ang apat na sunod na pagkatalo sa pamamagitan ng 70-66 panalo sa Cagayan Valley Rising Suns habang naitala ng Derulo Accelero Oilers ang ikalawang sunod na panalo gamit ang 82-78 tagumpay sa Hog’s Breath Café Razorbacks sa dalawang sumunod na laro.

Itinaas ng Bakers ang karta sa 3-4 baraha at lamang na sila ng kalahating laro sa Rising Suns para sa mahalagang ikaanim na puwesto.

Magkatabla ngayon ang Oilers at Razorbacks pero ang huli ang nasa hu­ling puwesto dahil sa nangyaring kabiguan. (AT)

 

Show comments