SAN ANTONIO, Quezon--Nakipag-draw si Jerish John Velarde ng Lapu-Lapu City kay Gladimir Chester Romero ng Tanauan City para pagharian ang boys 8 years old and under category sa 2014 National Age-Group Chess Championships Grand Finals na idinaos sa Leahchar Resort and Leisure Park.
Nakipagsabayan si Velarde kay Romero bago puÂmayag sa draw matapos ang 70 moves ng Scandinavian defense para tumapos bitbit ang 9.5 points sa likod ng 9 wins at 1 draw.
Winalis ni Velarde ang kanyang siyam na laban bago makipaghati ng puntos sa kanyang final-round match kay Romero.
Tinalo naman ni Jay Bacojo ng Pasig City si Ricky Rafols Jr. ng General Santos City sa 68 moves ng French defense, habang binigo ni Cedric Daniel Macato ng Las Piñas City si Gan Vincent Isabedra ng San Antonio, Quezon para tumapos sa ikalawa at ikatlong puwesto mula sa kanilang 8.5 at 6.5 points, ayon sa pagkakasunod.
Sina Velarde, Bacojo at Macato ang kakatawan sa bansa sa 2014 ASEAN+ Age-Group Chess Championships sa Hunyo 3-12 sa Macau, China.
Pinamunuan din nina FM Austin Jacob Literatus ng Davao City, WNM Jan Jodilyn Fronda ng Muntinlupa City at WIM Bernadette Galas ng Makati City ang kani-kanilang mga kategorya.
Iginupo ni Literatus si Prince Mark Aquino ng San Nicolas sa 23 moves ng English opening para kunin ang titulo ng boys 20 years old and under sa kanyang 9.5 points.