MANILA, Philippines - Humataw ng 21 puntos si May Shiel Agton habang 20 ang idinagdag pa ni Venus Flores at ang Davao Lady Agilas ay bumangon mula sa pagkatalo sa unang dalawang sets tungo sa 23-25, 24-26, 25-18, 25-20, 17-15, tagumpay sa kulang sa taong PerpeÂtual Help Lady Altas sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Hinigitan ng Lady Agilas ang naitalang four-set win sa FEU Lady Tamaraws noong Linggo matapos kaÂkitaan ng ibayong tibay ng dibdib ang baguhang koponan sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Tig-20 kills ang ginawa nina Agton at Flores at ang una ang siyang naghatid ng panalo sa Davao nang kunin ang huling dalawang puntos ng kanyang kopoÂnan.
Umakyat ang Lady Agilas sa 2-0 karta sa Group B at inokupahan ang playoff para sa quarterfinals slot sa grupo.
Ito ang ikaapat na sunod na pagkatalo ng NCAA champion Lady Altas para mamaalam na sa ligang may ayuda pa ng Accel, Mikasa at Tiger Lion Mosquito Coil.
May 24 puntos ang guest player na si Abigael Praca mula sa 16 kills, pitong blocks at isang service ace pero ramdam ng Lady Altas ang pagkawala ng pambatong si Mary Joyce Tubino at ng coach na si Sammy Acaylar na nasa Thailand para sa Asian WoÂmen’s Club Championship.
Naghatid pa sina Jocemer Tapic at Mae Antipuesto ng 14 at 10 puntos para sa Lady Agilas na kailangan lamang na ipanalo ang isa sa huling tatlong laro upang umabante sa susunod na yugto.
Tinapos ng St. Benilde Lady Blazers ang dalawang magkasunod na kabiguan sa 25-13, 25-14, 25-20, straight sets panalo sa St. Louis Lady Navigators upang makumpleto rin ang mga aabante sa quarterfinals sa Group A.
May 2-2 baraha ngayon ang Lady Blazers para samahan ang umabante ng mga koponan na Arellano Lady Chiefs, Adamson Lady Falcons at Ateneo Lady Eagles.
Ito ang ikaapat na suÂnod na pagkatalo ng Lady Navigators upang maÂmaalam na katulad ng Southwestern University Lady Cobras na may 1-4 baraha. (ATan)