MANILA, Philippines - Isang dating manlalaro na nakasama sa champion team at kinalaunan ay naging beteranong coach na nanalo rin ng titulo sa UAAP at PBA ang siyang kinuha para pangunahan ang kampanya ng UE Red Warriors sa 77th UAAP season.
Si Frederick “Derrick†Pumaren ang siyang iniluklok para maging kapalit ni David Zamar na tinanggal ng pamunuan dahil hindi niya maibigay ang nais na lubusang oras para sa Red Warriors na siyang tatayong punong-abala sa papasok na season.
Naging kasapi ng UE champion team noong 1978, si Pumaren ay naging coach din ng La Salle mula 1986 hanggang 1991at napagkampeon niya ito sa kanyang huling dalawang taon.
Napunta siya sa PBA at nagkaroon ng dalawang titulo sa koponan ng Sunkist. Taong 2008 ang huling taon niya sa PBA sa koponan ng Talk N’ Text at mula rito ay pumayag na lamang na maging consultant ng UE.
Bukod sa oras na maibibigay sa Red Warriors, ang pagiging isang tunay na Red Warriors ang isa pang mabigat na dahilan para makuha niya ang puwesto.
Tinapik ni Pumaren ang kapatid na si Dindo, upang kanyang maging assistant sa hangaring disenteng kampanya sa papasok na season.