Cebuana inilaglag ang Big Chill

MANILA, Philippines - Ipinatikim ng Cebuana Lhuillier Gems ang ikala­wang sunod na pagkatalo ng Big Chill Superchargers sa 65-60 panalo na nakitala sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Meralco gym sa Pasig City.

Isa lamang sa 12 ginamit ni coach David Zamar ang hindi pumuntos para makapagdomina ang Gems upang kunin ang ikatlong panalo matapos ang apat na laro.

Si James Martinez ang nanguna sa Gems sa kanyang 13 puntos at ang pinakawalang tres ang nagtulak sa kanyang koponan sa 63-55 kalamangan.

Dominado ng Superchargers ang rebounding, 57-47, pero nawalan ng saysay ito dahil sa 28.6 percent shooting upang bumaba sa 2-2 at makasalo ang Boracay Rum, Cafe France at Cagayan Valley na tinalo ang Derulo Accelero sa ikalawang laro, 76-74.

May 18 puntos si Lord Casajeros at ang kanyang split sa charity stripes ang nagbigay sa Rising Suns ng 75-70 kalamangan sa huling 55.1 segundo.

Makalapit ang Oilers sa isa, 75-74, sa drive ni Michael Juico pero nakatulong ang split ni Jett Vidal upang hindi makawala ang ikalawang sunod na panalo ng Cagayan.

 

Show comments