MANILA, Philippines - Puwesto sa knockout round ang pagsisikapang okupahan ng PLDT HomeTVolution Power Pinoys sa pagsukat sa galing ng Mongolia sa pagsisimula ng Asian Men’s Club Volleyball Championship ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon sasalang sa akÂsyon ang host team at dahil tatlong koponan lamang ang kasali sa Group A kaya’t ang mananalo ay papasok na sa susunod na yugto ng kompetisyon na inorganisa ng PLDT Home Fibr at may ayuda pa ng Mikasa, Healthway Medical, Maynilad, Gerflor, Spurway, Senoh Equipment, STI, PSC, Pasay City Mayor Antonino Calixto at MMDA Chairman Atty. Francis Tolentino.
Isang makulay na opeÂning ceremony ang gagawin sa ganap na alas-12 ng tanghali at si PSC chairman Ricardo Garcia ang siyang inimbitahan para maging guest of honor at speaker.
Ang huling laro sa alas-4 ng hapon ay sa pagitan ng Vietnam at Al-Zahra ng Lebanon
Magkakaroon din ng akÂsyon sa Cuneta Astrodome at ang maglalaban dito ay ang Turkmenistan at Al-Rayyan Qatar sa alas-2 ng hapon na susundan ng Kondensat-Zhaimunay ng Kazakhstan at Green Dragon ng Hong Kong daÂkong alas-4 sa Group C at Amoa-NCD ng Papua New Guinea at Chinese Taipei sa alas-6 ng gabi.
Ang Pilipinas, Mongolia at Iraq ang magkakasama sa Group A matapos lumiban ang Kuwait sa pagsali sa taong ito.
Alam ni coach Francis Vicente ang kahalagaÂhan ng makukuhang panalo kaya’t nangako siyang gagawin ng kanyang bataan ang lahat ng makakaya para maipanalo ito.