Power Pinoys nagsanay sa Korea para sa Asian Men’s Volleyball

MANILA, Philippines - Handa nang sumabak ang PLDT HOME TVolution team para sa Asian Men’s Volleyball Club Championship na magsisimula bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ito ay matapos ang maikli nilang pagsasanay sa Ko­rea para makakuha ng eksperyensa.

Kaagad na makakasagupa ng Power Pinoys ang Mongolia sa ganap na alas-2 ng hapon matapos ang opening ceremonies na inihanda ng Organizing Com­mittee sa pamumuno ni dating Philippine Sports Com­mission (PSC) chairman Philip Ella Juico sa pakiki­pagtulungan sa Sportscore at sa Philippine Volleyball Fe­deration (PVF).

Matatapos ang nasabing torneo sa Abril 16.

Ito ang unang pagkakataon matapos ang higit sa isang dekada na maglalahok ng Philippine team sa isang Asian level tournament.

Ang Power Pinoys din ang unang Philippine team na sa­­sali sa AMCC na inihahandog ng PLDT Home Fibr.

Ang grupo ay kinabibilangan nina JP Torres, Ron Jay Ga­lang, Jeffrey Malabanan, Alnakran Abdilla at actor-sportsman Richard Gomez.

Sina Australian reinforcements Cedric Legrand at William Robert Lewis ang tutulong sa koponan ni coach Francis Vicente.

Kasama ng Philippine team at Mongolia sa grupo ang many-time champion na Iran at mga bigating China at Korea.

Tatayong guest of honor at main speaker si Philippine Sports Commission (PSCV) chairman Ricardo Gar­cia sa maikling programa na dadaluhan ng mga top sports officials at kinatawan mula sa Asian Volleyball Con­federation.

Ang iba pang bansang kasali ay ang Iraq, Japan, Le­banon, Vietnam, Qatar, Kazakhstan, Oman, Hong Kong, Turkmenistan, United Arab Emirates, Papua New Guinea at Chinese-Taipei.

 

Show comments