NU kinuha ang win No. 2; Ateneo bigo

Hinatawan ni Pamela Lastimosa (6) ng UST Tigresses ang depensa nina Ivy Perez (2) at Jaja Santiago (3) ng NU Lady Bulldogs. (Kuha ni Jun Mendoza)

MANILA, Philippines - Nakalusot sa upset ang nagdedensang National Uni­­versity pero hindi ang UAAP champion Ateneo sa Sha­­key’s V-League Season 11 First Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Ang dalawang laro na handog ng Sports Vision at may suporta ng Shakey’s ay parehong nauwi sa five sets pero nagawang ilusot ng Lady Bulldogs ang 25-19, 25-22, 18-25, 24-26, 15-10 panalo laban sa palabang UST Tigresses.

Si Dindin Santiago na gumawa lamang ng 11 puntos, ang nagbida sa Lady Bulldogs nang maghatid ito ng mag­kasunod na puntos para katampukan ang paglayo ng NU mula sa 12-11 iskor.

Si Carmina Aganon ay may 17 puntos, kasama ang 15 kills, habang ang nakababatang kapatid ni Dindin na si Jaja ay may 14 puntos.

Ang 6-foot-2 na si Dindin at ang 6’4 na si Jaja ay nag­sanib sa 9 blocks upang trangkuhan ang depensa ng Lady Bulldogs para umangat sa Group B sa 2-0 karta.

Nasayang ang 23 puntos ng UAAP juniors Best Attacker at MVP na si Ennajie Laure dahil kinapos ang Tigresses sa ginawang pagbangon mula sa 2-0 iskor.

Nagpakita ng tibay ang Arellano para makumpleto ang pagbalikwas mula sa 1-2 iskor sa 21-25, 25-16, 17-25, 25-20, 15-13 panalo sa Lady Eagles.

Nasolo ng Lady Chiefs ang liderato sa Group A sa ligang may suporta pa ng Accel, Mikasa at Akari sa hi­nablot na 2-0 baraha.

Kampante nang nakakaangat ang Arellano sa 11-5, pero bumangon ang Ateneo, nagkampeon sa nakaraang UAAP season, at nakalamang sa 12-11.

 

Show comments