MANILA, Philippines — Winakasan ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Miyerkules ang mga haka-hakang ililipat ng lokasyon ang Philippine Science High School sa Diliman, Quezon City.
"Alam kong may mga agam-agam ukol sa nababalitang paglilipat ng inyong campus. Ako na mismo ang magsasabi sa inyo: Mananatili ang Pisay sa Agham Road," banggit ni Aquino sa kanyang talumpati sa graduation ng paaralan.
"Dahil nga po napakaraming nagsumikap para masigurong makakuha kayo ng mataas na kalibre ng edukasyon, dapat din nating siguruhin na hindi kayo mababagabag o magugulo sa pag-aaral ang mga estudyante ng Pisay," dagdag niya.
Bukod dito ay nais din ni Aquino na ipaayos ang paaralan matapos makita ang mga sira sa gymnasium kung saan idinaos ang pagtatapos.
"Napansin ko lang po, Secretary Montejo, na hindi yata maganda acoustics nitong gym na ‘to. Baka gusto mong pag-aralan at pagtulungan natin," panawagan ni Aquino kay Science Secretary Mario Montejo.
"Napansin ko lang po ‘yong apat na basketball goal na nakita ko dito sa inyong campus, wala ni isa may net. At ‘yong soccer field po butas-butas po ang net–iyon, sagot ka na po iyon." Aquino said.
Nangako si Aquino na ipapagawa ang planong 19 sangay ng Philippine Science High School.