Ateneo volleybelles paborito sa Shakey’s V-League Season 11

MANILA, Philippines - Inaasahang magiging paborito ang Ateneo, nanggaling sa pagrereyna sa katatapos na UAAP season, sa Shakey’s V-League na bubuksan ang Season 11 sa Marso 23 at tatampukan ng mga koponang mula sa UAAP at NCAA at mga top provincial teams sa The Arena sa San Juan City.

Sina UAAP season at Finals MVP Alyssa Valdez, Denden Lazaro, Jia Morado, Michelle Morente at Ella de Jesus ang babanderang muli sa Lady Eagles.

Nalampasan ng Ateneo ang tatlong sudden death matches para sa kanilang kauna-unahang UAAP crown.

Winalis ng Lady Eagles ang La Salle Lady Spi­kers, nagbitbit ng ‘thrice-to-beat’ advantage sa Finals, noong Linggo sa Mall of Asia Arena.

Tinalo ng Ateneo sa step­ladder semis ang Adam­­son sa isang playoff at giniba ang may tangan na ‘twice-to-beat’ advantage na National University para sa kanilang finals showdown ng La Salle.

Sa Shakey’s V-League ay hangad ng Lady Eagles na mabawi ang kanilang First Conference crown na nakamit nila sa Season 9.

Inaasahang makaka­agawan nila sa titulo ang NU at Adamson bukod pa sa UST, Far Eastern University, Perpetual Help at many-time NCAA champion San Sebastian.

Sina Shiela Pineda, Pau Soriano at Mayette Zapanta ang mangunguna sa kampanya ng  Adamson para sa ikalawang titulo na una nilang pinagwagian sa Season 5, habang palaban din ang San Sebastian sa paggiya nina Gretchel Soltones, Czarina Berbano at Ara Mallare.

Isa rin sa tinatayang nagpalakas ng koponan ang St. Benilde na babalikatin nina Janine Navarro at Therese Veronas

Isasaere ang mga laro via delayed basis sa GMA News TV.

Ang iba pang magta­tangka sa First Confe­rence title na suot ngayon ng NU ay ang St. Benilde, Arel­lano, Southwestern University ng Cebu, St. Louis University ng Baguio at Davao Lady Agilas buhat sa Mindanao.

 

Show comments