MANILA, Philippines - Ipinakita ni Marvin Sonsona na taglay pa niya ang bangis ng kamao nang patulugin sa ikatlong round si Akifumi Shimoda ng Japan at kunin ang pinaglabanang WBO International featherweight title noong Sabado sa Venetian Resort sa Macau, China.
Isang matinding kaliwang uppercut ang isinalubong ng 23-anyos na si Sonsona na tumama sa panga ni Shimoda upang tumiklop ang tuhod nito at nauna ang mukha na humalik sa lona. Natapos ang laban sa 1:17 ng ikatlong round para sa ika-18 panalo sa 20 laban ni Sonsona kasama ang 15 KOs.
Hindi na kinailangan pang bilangan si Shimoda, ang dating kampeon sa WBA super bantamweight, dahil ilang minuto siyang nakahiga patunay na maÂtinding suntok ang kanyang tinamo kay Sonsona.
Ito lamang ang ikaapat na laban ng dating WBO super flyweight champion na tubong General Santos City sa huling apat na taon pero kita ang determinasyon ni Sonsona na makapagtala ng kumbinsidong panalo para mabig-yan uli ng pagkakataong mapalaban sa world title.
Noong 2009 ay ginulat ni Sonsona ang mundo ng professional boxing nang manalo siya kay Jose Lopez ng Puerto Rico para kunin ang WBO super flyweight title.
Pero nagpabaya siya sa kanyang pagsasanay at sa unang pagdepensa ay naisuko agad ang titulo nang hindi nakuha ang takdang weight limit sa laban kontra kay Alejandro Hernandez ng Mexico.
Sumampa uli si Sonsona sa ring para sa isang title fight laban kay Wilfredo Vazquez Jr. ng Puerto Rico ngunit hindi niya ito kinaya at natalo sa pamamagitan ng fourth round TKO para manatiling kampeon sa WBO super bantamweight si Vazquez.