Pacman kukuha ng ex-world champion na ka-spar

MANILA, Philippines - Isang dating world champion at nakalaban ni Timothy Bradley ang balak kunin para palakasin ang sparring ni Manny Pacquiao bilang paghahanda sa rematch sa Abril 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas Nevada.

Si Kendall Holt na da­ting WBO light welterweight champion ang sinisipat ng Team Pacquiao para makatulong sa sparring k­apag lumipat na ng pagsa­sanay sa Wild Card gym ang Pambansang kamao.

Nagsimula si Pacquiao ng pagsasanay sa Ge­neral Santos City at ang spar mate niya ngayon ay si Lydell Rhodes.

Ang 32-anyos na 5’9  boxer ay huling aktibong lu­maban sa ring noong Peb­rero 22, 2013 at natalo siya kay Lamont Peterson sa pamamagitan ng eight round TKO para sa IBF light welterweight title.

Nakalaban na ni Holt si Bradley noong Abril 4, 2009 at natalo siya sa pamamagitan ng unanimous decision.

Naghahanda ng matitinding sparmates ang hand­lers ni Pacquiao upang maibalik ang kanyang lakas at gigil para maitala ang hanap na kumbinsidong panalo kay Bradley.

Hindi pa natatalo si Bradley matapos ang 31 laban at kasama sa kanyang dinaig ay si Pacquiao noong Hun­yo 9, 2012 sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision.

Nakabawi na si Bradley sa kontrobersyal na ito matapos ang kumbinsidong panalo kina Ruslan Provodnikov ng Russia at Juan Manuel Marquez ng Mexico sa huling dalawang laro.

Si  Pacman ay nakaahon na rin sa bangungot ng 2013 na kinakitaan pa ng paglasap ng sixth round KO pagkatalo kay Marquez sa kinuhang unanimous decision laban kay Brandon Rios noong Nobyembre.

 

Show comments