Big Chill kakasa sa NLEX sa finals, pinatalsik ang Blackwater Sports

Laro sa Linggo

(Araneta Coliseum)

1 p.m. NLEX vs Big Chill

 

CEBU, Philippines - Tinapos ng Big Chill ang magandang ipinakita ng Blackwater Elite sa mga do-or-die game na hinarap nang pagpahingahin nila ito ng tuluyan sa 89-78 panalo kahapon sa Game Two ng PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Si Janus Lozada ay mayroong 21 puntos habang sina Reil Cervantes at Mark Canlas ay nag-ambag pa sa 18 at 15 puntos para sa Superchargers na siyang makakaharap ng NLEX sa Finals ng liga.

Ang Game One sa best-of-three series ay bubuksan sa Linggo sa Araneta Coliseum para magkaroon ng sapat na panahon ang tropa ni coach Robert Sison na makapaghanda sa labanan.

“Everybody contributed to accomplish our goal. But I also felt that our defense helped us win this game,” wika ni Superchargers coach Robert Sison.

Tunay na malaking ba­gay ang inilatag na depensa ng Big Chill dahil anim na manlalaro lamang ang umiskor sa Elite na natapos ang paghahabol sa ikalawang sunod na titulo sa liga.

Binigyan ng magandang pagkakataon ang tropa ni coach Leo Isaac na maitakas ang larong ito dahil napagtagumpayan nilang ilusot ang apat na naunang sudden death sa conference.

Ngunit hindi nila napi­gilan si Lozada na may li­mang tres na siyang si­nan­­dalan ng Big Chill para makalayo sa Elite.

Ang buslo ni Jericho Cruz ang nagdikit pa sa Blackwater sa dalawa, 35-33, nang pakawalan ni Lozada ang dalawang triples para gawing walo ang agwat sa halftime, 41-33.

Mula rito ay hindi na nakabawi pa ang Elite at ang triple sabay hirit ng foul kay Kevin Ferrer para sa extra free throw ang nagbigay ng 75-61 bentahe sa huling 5:47 ng laro.

 

Show comments