Martinez sasalang sa aksyon ngayon

Sasalang ngayon sa aksyon si Michael Martinez, nag-iisang lahok ng Philippines sa Winter Olympic Games sa Russia.

MANILA, Philippines - Maipapamalas ngayon ni Michael Christian Martinez ang kanyang husay sa figure skating laban sa mga tinitingalang karibal sa pagsalang niya sa short program sa 2014 Winter Olympics sa Sochi, Russia.

Sa Iceberg Skating Palace ang lugar na pagdarausan ng kompetisyon at ang 17-anyos na kauna-una­hang figure skater ng Pilipinas na nakalaro sa Winter Games ay ma­papalaban sa 29 iba pang kalahok sa men’s singles event.

“It feels great that I’m here representing the Philippines at the Olympics,” wika ni Martinez sa panayam sa kanya ng NBC Olympics.

“There is a lot of pressure on me because not only am I skating for my country, but for all the hard work I’ve put in the last four years,” dagdag pa ni Martinez.

Nakasali ang tubong Muntinlupa City sa kompetisyon matapos makakuha ng qualifying slot sa Nebelhorn Trophy noong nakaraang Setyembre.

Kailangang malagay sa top 24 skaters sa short program si Martinez, ang natatanging South East Asian na kasali sa kompetisyon, para umabante sa free skate bukas.

Alam man na mabigat ang laban ay may tiwala rin si Martinez basta’t ibibigay ang lahat ng makakaya sa kompetisyon ngayon.

“I’d love to qualify for the free skate, that would be a big accomplishment for me,” dagdag nito. “I don’t know what placement I’ll get because my training is so different, but we’ll see.”

Ang mga pinapaboran para manalo sa larong ito ay sina three-time world champion Patrick Chan ng Canada at 2012 World Championship bronze medalist Hanyu Yuzuru ng Japan.

Show comments