PBA magsasakripisyo ng malaki para sa pagsabak ng Gilas sa FIBA World Cup at Asiad

MANILA, Philippines - Malaking pera ang ma­wawala sa Philippine Basketball Association (PBA) dahil sa pagbibigay nila ng sapat na panahon sa pag­sa­sanay ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA World Cup at sa Asian Games nga­yong taon.

 Ang perang mawawala ay halos P7 milyon hanggang P21 milyon mula sa ticket sales.

Sa inilabas na re-ad­justed calendar ng liga na matatapos sa Hulyo 15, ang national team ay ma­bibigyan ng isang buwan at kalahating training period bilang preparasyon sa 2014 FIBA World Cup sa Spain na nakatakda sa Agosto 30 hanggang Set­yembre 14.

Pinaikli ng PBA sa best-of-five series ang finals ng darating na 2014 Commis­sioner’s at Governors Cups mu­la sa dating best-of-se­ven showdown.

Nangangahulugan ito ng minimum loss na P7 mil­yon sa gate receipts kung saan nagtala ang PBA ng ave­rage na gross sale ng halos P3.5 milyon bawat laro sa finals.

At ang posibleng maximum loss naman ay nasa P21 milyon sa buong se­ven-game series para sa second at third confe­ren­ces.

Pinutol din ng liga ang ka­nilang conference breaks mula sa dating 12-15 araw para sa bagong 5-7 araw na magkakait ng sapat na pahinga para sa mga pla­yers sa pagitan ng mga tor­neo.

Bubuksan ang Com­mis­sioner’s Cup sa Marso 5 o Marso 7, depende sa pag­wawakas ng Philippine Cup finals at ang Governors Cup ay sa Mayo 18.

Ang huling dalawang con­ferences ay mga single-round-robin eliminations.

Makaraang maglaro ng tig-siyam sa eliminasyon sa second conference, ang top eight squads ay papasok sa quarterfinals.

Ang top two team ay ma­bibigyan ng ‘twice-to-beat’ advantage kontra sa No. 8 at No. 7, habang sa­sagupain ng No. 3 ang No. 6 at makakatapat ng No. 4 ang No. 5 sa best-of-three quarterfinals series at ang se­mis at ang finals ay best-of-five series.

 

Show comments