Twice-to-beat asam ng NU belles

MANILA, Philippines - Tatangkain ng National University na upuan na ang ikalawa at huling twice-to-beat advantage sa UAAP women’s volleyball sa pagpanalo sa laro laban sa UP ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Sa ganap na alas-2 ng hapon magaganap ang ta­gisan at nakataya sa Lady Bulldogs ang ika-siyam na sunod na panalo at 11-1 karta.

Paborito ang NU dahil ang UP ay nasa ikalawa sa huling puwesto sa 1-10 baraha.

Ang ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon ay sa pagitan ng FEU at Adamson para sa mahalagang ikaapat na puwesto sa liga.

Ang Lady Tamaraws ang may tangan ng nasa­bing puwesto sa 6-5 ba­raha pero sasalo ang Lady Falcons kung manalo dahil sa kasalukuyan ay mayroon silang 5-6 karta at nasa ikalimang puwesto.

Samantala, puwesto sa Finals ang nakataya sa mainit na Adamson sa pagbangga sa La Salle sa alas-9 ng umagang laro sa UAAP softball sa Rizal Memorial Diamond.

Ang UST at UP ay magpapang-abot sa ikalawang laro dakong alas-11 bago magtuos ang National University at UE sa ganap na ala-1 ng hapon. (AT)

Show comments