La Salle, Adamson malinis pa rin
MANILA, Philippines - Walang hirap na tinalo ng Adamson ang UE sa softball habang nanalo rin ang La Salle sa UP sa women’s volleyball upang maÂnatili ang kanilang streaks sa 76th UAAP season.
Inulan ng Lady Falcons ang pitchers ng UE ng 11 hits para sa 8-2 panalo sa Rizal Memorial Ballpark at sungkitin ang ika-11 sunod na panalo sa taon at iakyat sa 45 ang pagpapanalo mula Season 73.
Kailangan na lamang ng tropa ni coach Ana Santiago na manaig sa La Salle sa kanilang huling laro sa double round elimination sa Miyerkules para sa 12-0 sweep at pumasok na sa Finals bitbit ang thrice-to-beat advantage.
Tinalo ng NU ang UST, 8-4, para agawin ang ikalawang puwesto sa 8-3 baraha at itinulak ang Lady Tigreses sa ikatlong puwesto (7-4) habang ang Ateneo ay nagwagi sa UP, 9-5, sa unang laro.
Mabangis pa rin ang Lady Archers na dinurog sa straight sets ang Lady Maroons, 25-15, 25-23, 25-12, sa The Arena sa San Juan City.
Si Ara Galang ay mayroong 17 puntos, mula sa 12 hits at 3 aces, at kumulekta pa ng anim na digs para pamunuan ang La Salle sa 11-0 karta at ika-27th sunod na panalo.
May 11 hits si Abigail Marano bukod sa pitong digs para sa tropa ni coach Ramil de Jesus na naisanÂtabi ang magandang laban ng UP sa second sets at makumpleto ang dominasÂyon sa larong tumagal lang ng 68 minuto.
Tatlong laro na lamang ang kailangan nilang maipanalo para dumiretso na rin sa Finals at tumibay ang paghahabol sa ikaapat na sunod na titulo sa liga.
Pinagtibay ng Ateneo ang kapit sa ikatlong puwesto sa 25-22, 25-19, 16-25, 18-25, 15-13, panalo sa Adamson sa ikalawang laro.
Ikapitong panalo sa 11 laro ang nadagit ng Lady Eagles habang bumaba ang Lady Falcons sa 5-6 baraha sa ikalimang puwesto.
Gumawa ng 34 puntos si Mark Alfafara para sa nagdedepensang National University para sa 25-22, 20-25, 16-25, 25-21, 15-11, panalo sa UST sa men’s division.
May 10-1 karta ang Bulldogs para kunin ang playoff para sa ikalawang insentibo na ibibigay sa Final Four.
- Latest