MANILA, Philippines - Ito na ang gabi kung saan bibigyan ng rekognisyon ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang mga taong nagpalakas sa Philippine sports at nagbigay ng inspirasyon sa mga Filipino sa pagdaraos ng Annual Awards Night sa Centennial Hall ng makasaysayang Manila Hotel.
Magsasama-sama ang mga pinakamahuhusay na atleta at koponan sa makulay na seremonya na inihahandog ng MILO kasama ang Air21 bilang major sponsor.
Ang programa ay sisimulan sa ganap na alas-7:30 ng gabi at inaasahang dadalo ang mga top sports officials sa pangunguna nina Philippine Olympic Committee (POC) president Jose `Peping’ Cojuangco, Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia, International Olympic Committee (IOC) representative Mikee Cojuangco-Jaworski at iba pa.
Nangunguna sa mahabang honor roll list ang Gilas Pilipinas basketball team na tatanggapin ang Athlete of the Year award makaraang makakuha ng silya para sa 2014 world basketball championship.
Sumegunda ang Filipino cagers sa gold meÂdalist na Iran sa 2013 FIBA-Asia Men’s Championship noong Agosto sa Mall of Asia Arena.
Ang Gilas Pilipinas ang magiging pang-limang koponan na bibigyan ng Athlete of the Year award ng pinakamatandang media organization sa event na itinataguyod din ng Smart Sports, Philippine Sports Commission, Senator Chiz Escudero, Philippine Basketball Association, SM Prime Holdings, Rain or Shine, Globalport, Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Amusement and Gaming Corp., ICTSI-Philippine Golf Tour at Accel 3XVI.
Makakasama sa entablado ng Spain-bound basketball team ang taong nasa likod ng pagbuo sa Gilas Pilipinas na si Manny V. Pangilinan, tatanggap ng Executive of the Year honor sa unang PSA awards rite sa ilalim ni president Lorenzo `Jun’ Lomibao ng Business Mirror.
Si Lomibao ang persoÂnal na mag-aabot ng President’s Award kina world champions Rubilen Amit, Dennis Orcollo at Lee Van Corteza ng billiards at taekÂwondo jin Mikeala CaÂlamba.